“KAWAWANG GRACE POE!” – Wag kang pikon ni Jake Maderazo

JAKE MADERAZO2-1 ang iskor sa SET at COMELEC na nagsuri sa kwalipikasyon ni Grace Poe para sa mga posisyong Senador noong 2013 elections at kandidatong Pangulo sa Mayo 2016. Nanalo sa SET sa pagiging “natural born” sa botong 5-4, talo naman siya sa Comelec 2nd Division 3-0 at Comelec 1st Division 2-1 partikular sa kanyang COC para presidente.

Meron pang Comelec “en banc” na may pitong miyembro pero, halos balewala na ito dahil limang commissioners na mayorya ang bumoto laban kay Sen. Grace Poe. Kaya naman ang susunod at pinal na laban ay sa Korte Suprema.

Doon, 15 ang mahistrado, tatlo rito ay “abstained” dahil bumoto na sa SET, sina Associate Justices Carpio, Brion at De Castro. Dalawang associate justices naman ang sinasabing maka-Duterte at pinapag-abstain din , sina Reyes at Mendoza.

Ibig sabihin, sa worst case scenario, sampung Mahistrado ang magpapasya sa dalawang bagay, ang natural born at residency requirements ni Poe. Nakataya rin dito ang kanyang posisyon bilang Senador na nahalal na topnotcher noong May 2013 elections kung saan malaki ang posibilidad na matanggal siya kung mapatunayang hindi siya “natural born” kundi “naturalized”. Si Associate Justice Marvic Leonen ang hinirang na “ponente” ng Korte Suprema sa kasong ito.

Kung iisa-isahin ang komposisyon ng Korte ngayon, sampu ang appointees ni dating Pangulong Gloria Arroyo at lima ang appointees ni Pnoy. Kung ibabawas mo ang naunang tatlong mahistrado na nag-aabstain , ang natitirang labindalawang mahistrado, ay merong 7 PGMA appointees at 5 PNOY appointees.

Kung mapwersang mag-abstain (na sa tingin ko ay malabong mangyari) ang dalawang “ka-brod” ni Duterte na sina Reyes(PNoy) at Mendoza (Gma) ang natitirang sampu ay merong iskor na 6 PGMA at 4 PNOY appointees.

Sila ay sina Sereno (PNoy) , Perlas-Bernabe (PNoy) Jardeleza (PNoy), Leonen (PNoy), Del Castillo (GMA), Bersamin (GMA), Villarama jr. (GMA), Velasco (GMA) Perez (GMA) at Peralta (GMA). Ang tatlong mahistrado na bumoto sa SET laban kay Poe ay sina Carpio (GMA), Brion (GMA) at De Castro (GMA) na ngayo’y abstained na sa kaso.

Kung susuriin ang mga ebidensyang pinag-usapan sa SET at sa COMELEC first at second divisions, maraming legal experts ang nagsasabing kailangan ng panibagong ebidensya ni Grace Poe para mabaligtad ang mga desisyon. Ika nga, halos milagro ang kailangan para makumbinsi ang mga mahistrado na siya ay “natural born” at may sapat na “residency requirements” na sampung taon batay sa Saligang Batas.

Kahit mag-positive pa sa DNA iyung nagpakilalang “half sister” sa Guimaras, problema pa rin ang residency requirement.

Mistulang nakakapit na lang ngayon sa lubid si Grace Poe dahil kapag nagkataon sabay sabay na mawawala sa kanya ang Presidential COC at ang kanyang posisyon bilang senador.

Sa desisyon ng Comelec 1st division, “naturalized” si Poe (pareho sa SET) at ang residency ay magsisimula lamang sa July 7, 2006 o kulang siya ng dalawang buwan sa 10-year requirement.

Kung ako ang tatanungin, walang dudang Pilipino si Poe pero, detalyadong kwalipikasyon ang hinihingi ng Saligang Batas para sa posisyon ng presidente. At kung hindi ka kwalipikado, sorry.

Read more...