Legal liability ni ex-NYC chair Cardema, inaaral na ng Malakanyang
Sinisilip na ng Palasyo ng Malakanyang kung may legal na pananagutan si dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema.
Ito ay matapos biglang iwan ni Cardema ang kaniyang posisyon at maghain ng substitution bilang first nominee ng Duterte Youth Partylist group na nanalo sa katatapos na May 13 midterm elections nang hindi nagpapaalam kay Pangulong Rodrigo Duterte o sa Office of the President.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, ang ginawa ni Cardema ay pagpapakita ng kawalan ng interes na magsilbi sa sangay ng ehekutibo.
Wala naman aniyang balak ang Malakanyang na pigilan si Cardema.
Sa ngayon ay bakante na ang posisyon sa NYC dahil deemed resigned na si Cardema at ito’y sa sandaling nakapaghain na ito ng certificate of candidacy (COC).
Ayon kay Panelo, sa dyaryo na lamang niya nalaman na naghain na ng substitution si Cardema.
Samantala, base sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Inquirer sa tanggapan ni Cardema, napag-alamang noong Biyernes lamang, May 17, nang nagbitiw sa puwesto ang dating chairman ng NYC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.