Suspek sa pagpatay sa 5-anyos na babae sa Sta. Cruz, Laguna kinasuhan na

Nagsampa na ng kasong murder ang pulisya laban sa suspek sa pagpatay sa isang limang taong gulang na babae sa Sta. Cruz, Laguna.

Ayon kay Maj. Jojo Sabenjano, tagapagsalita ng Laguna police, nakilala ang suspek na si Glenn Ford Manzanero, 30-anyos.

Unang napaulat na nawawala ang batang biktima sa Barangay Patimbao, araw ng Linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni Sta. Cruz police chief Col. Armie agbuya na huling nakita ang biktima na naglalaro sa labas ng kanilang bahay.

Mayroon aniyang mga nakasaksi sa pag-alis ng biktima kasama si Manzanero.

Inalok aniya ng suspek ng mais con yelo ang bata at hindi naman natakot dahil kilala ito bilang kapitbahay nila.

Ayon kay Agbuya, bandang 9:00 ng gabi nang ipaulat ng mga magulang ni Manzanero na natagpuan ang katawan ng biktima sa kanilang lutuan.

Nagtamo ang biktima ng hiwa sa leeg gamit ang kutsilyo at saksak gamit ang ice pick.

Isinilid pa ang katawan ng biktima sa isang malaking pink bag na gawa sa sako ng bigas.

Inamin naman ng suspek ang responsibilidad sa krimen.

Ayon pa sa pulisya, nakagamit ng ilegal na droga ang suspek nang kunin at patayin ang batang biktima.

Read more...