Bigas at itlog, ginamit din sa vote buying – PNP
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na hindi lamang pera ang ginamit para sa vote buying sa nagdaang 2019 midterm elections.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP chief, Gen. Oscar Albayalde na ginamit din sa vote buying ang pamimigay ng bigas at itlog.
Aabot aniya sa 62 sako ng bigas at 22 tray ng itlog ang nakumpiska ng pulisya sa mga ikinasang operasyon kontra vote buying.
Maliban pa ito sa P12,208,958 na perang nakuha sa mga operasyon sa buong bansa.
Aniya, 50 sa 62 sako ng bigas ay nakumpiska sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao habang ang karagdagang 12 naman ay sa bahagi ng Soccsksargen.
Nakuha naman ang mga tray ng itlog sa Calabarzon.
Sinabi ni Albayalde na nasa kabuuang 356 katao ang naaresto mula sa 225 insidente ng vote buying hanggang May 14.
Nagpasalamat naman ang PNP chief sa pakikipagtulungan ng publiko na i-report ang naturang ilegal na aktibidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.