Kasunduan sa paglaban sa epekto ng Climate Change, buo na

paris COP21
Larawan mula sa INQUIRER.NET/Kristine Sabillo

Aprubado na ang labindalawang pahinang kasunduan na may kinalaman sa pag-iwas sa makubhang epekto ng climate change sa pagtatapos ng Conference of Parties o COP21 na ginanap sa Le Bourget Convention Center sa Paris.

Ito ang inanunsiyo ni COP21 President Laurent Fabius ilang minuto bago magsimula ang huling bahagi ng naturang pagpupulong na dinaluhan ng mahigit dalawang daang bansa.

Ayon kay Fabius, wala siyang nakikitang dahilan at pagtutol para hindi ipasa ang kasunduan.

Bibigyang daan ng naturang kasunduan ang paglalatag ng mga hakbang upang pigilan ang nagdudulot na pinsala climate change sa buong mundo.

Kabilang sa itinuturing na mahalagang probisyon sa naturang kasunduan ang paglimita sa pagtaas ng global temperature na maaaring makabawas sa panganib at epekto ng climate change.

Target ng kasunduan na maibaba ng halos 2 degree celsius ang global warming at mabawasan ang ibinubuga ng greenhouse gas emissions.

Matapos ang pag-apruba sa makasaysayang kasunduan, ilang bansa na dumalo sa pagtitipon ang nagbigay ng kanilang pahayag.

Kabilang na dito ang European Union na nangakong magbibigay ng kanilang suporta partikular na sa mga bansang madalas naaapektuhan ng climate change.

Ayon naman kay US Secretary of State John Kerry, ang pag-aruba sa makasaysayang kasunduan ay isang tagumpay para sa lahat ng planeta at sa darating na bagong henerasyon.

Bagaman may mga bahagi pa sa kasunduan ang dapat pang ayusin, para sa China, hindi ito magiging dahilan para pigilan ang pagpapatupad nito.

Samantala, ang bansang Morroco ang magiging host sa Conference of Parties sa susunod na taon.

Read more...