Manila mayor-elect Isko Moreno pangangalagaan ang Arroceros Park at Manila Zoo

Tiniyak ni Manila City Mayor-elect Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga Manileño na pangangalagaan ng kanyang administrasyon ang Arroceros Forest park at Manila Zoo.

Sa isang panayam, sinabi ni Moreno na ipinangako niya ito bago pa ang eleksyon at poprotektahan at hindi niya ibebenta ang naturang landmarks.

Nauna nang plinano sa ilalim ng gobyerno ni outgoing Manila Mayor Joseph Estrada na magtayo ng gymnasium sa Arroceros Park na nangangahulugang puputulin ang mga puno sa parke.

Umani ng batikos ang plano at inilunsad ang petisyon para ipahinto ito.

Iginiit naman ni Moreno na pagagandahin pa ang Arroceros Park na natitirang breathing space ng Lawton.

Samantala, sinabi ng bagong alkalde na hindi rin ibebenta ang Manila Zoo at aayusin ito.

Tiniyak ni Moreno na maproprotektahan at mapangangalagaan ang mga hayop tulad ng elepanteng si Mali.

Noong Enero ay ipinag-utos ni Estrada ang pagpapasara sa Manila Zoo matapos malamang isa ito sa nagpaparumi sa Manila Bay.

Read more...