Dating traffic chief ng Siniloan, Laguna patay sa buy-bust operation
Nasawi ang dating traffic chief ng Siniloan, Laguna sa isinagawang buy-bust operation sa Pagsanjan, Linggo ng gabi.
Sa impormasyong ipinadala sa INQUIRER.net ni Laguna Police Provincial Office chief Col. Eleazar Mata, kinilala ang suspek na si Leodigario Recide alyas Odec.
Si Recide ay dati anyang chief of traffic operations ng Siniloan.
Ani Mata, nagkasa ang pulisya ng buy-bust operation sa apartment ni Recide sa Brgy. Sampaloc, bandang alas-6:00 ng gabi.
Gayunman ay nakahalata ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon kaya’t bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad.
Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na agad ikinasawi ng suspek.
Dati na umanong naaresto dahil sa droga si Recide ngunit nakalaya matapos pumasok sa plea bargaining deal.
Samantala, sinabi ni Mata na protektado ng isang lokal na opisyal si Recide sa pagbebenta nito ng droga.
Hindi pinangalanan ng police official ang naturang opisyal.
Nakuha mula sa suspek ang kalibre .45 na baril at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.