OFW patay matapos abusuhin ng amo sa Kuwait

Nasawi ang isang 47 anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait matapos umanong pagmalupitan at abusuhin ng kanyang amo.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang nasawing domestic household worker ay si Constancia Lago Dayag na taga Agadanan, Isabela.

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na lumabas sa inisyal na report na dinala si Dayag sa Al Sabbah Hospital pero idineklara na itong dead on arrival.

Marami anyang pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang OFW.

May nakita pa umanong pipino sa pribadong bahagi ni Dayag.

Nais ni Bello na papanagutin ng gobyerno ng Kuwait ang umabuso at pumatay sa Pinay.

Inutusan ng kalihim ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) na hanapin ang foreign at local agencies na nagpadala sa OFW sa Kuwait.

Nakiramay ang opisyal sa pamilya ni Dayag at nangako ito ng tulong at hustisya para sa biktima.

Ang panibagong insidente na ito ng pagpatay sa isang Filipina worker ay kasunod ng pamamaslang kay Joanna Demafelis na ang bangkay ay natagpuan na lamang sa loob ng freezer.

Read more...