Sa botong 2-1, muling nakatamo ng banat si Poe nang idiskwalipika siya ng First Division ng Commission on Elections (COMELEC) na makalahok sa 2016 elections.
Ito ang naging desisyon ng First Division sa petisyong kumukwestyon sa kaniyang kandidatura at citizenship, na naging dahilan rin ng pagkansela ng COMELEC sa certificate of candidacy (COC) ni Poe.
Ani Poe, nakatanggap man siya ulit ng diskwalipikasyon, tuloy pa rin ang kaniyang laban hangga’t may pag-asa pang bumawi at hindi pa nana-‘knock out’.
“Parang boksing lang ito, tuluy-tuloy hangga’t hindi ka natutumba,” paliwanag ni Poe.
Sa kabila ng nasabing desisyon, nagalak pa rin kahit paano si Poe dahil may isang miyembro ng dibisyon na nakinig at pinagtuunan ng pansin ang kanilang mga dokumentong ipinresenta.
Sa palagay ni Poe, naging patas si Commissioner Christian Lim, na tanging bumoto laban sa pagdiskwalipika sa kaniya, dahil hindi siya sumang-ayon sa mga kasama niyang sina Commissioners Luie Guia at Rowena Guanzon.
Nakatakda naman aniya silang maghain ng apela sa COMELEC en banc at Korte Suprema para baligtarin ang desisyong ito.