CBCP-NASSA umapelang suspendihin ang proklamasyon ng mga mananalong kandidato sa national level
Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) – National Secretariat for Social Action (NASSA)/Caritas Philippines na suspendihin ang proklamasyon ng mga mananalong kandidato sa national elections.
Ito ay sa gitna ng mga alegasyon na may naganap na pandaraya sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic.
Ayon kay CBCP-NASSA Executive Secretary Fr. Edwin Gariguez, dapat seryosohin ang mga alegasyong ito.
Hindi naman anya sinasabing direkta ng grupo na may naganap talagang dayaan ngunit kailangang suspendihin ang proklamasyon hanggang sa mapasinungalingan ang mga akusasyong ito.
“Ang aming kahilingan ay seryosohin yung allegation, actually hindi naman natin sinasabi direkta na may dayaan, merong allegations of fraud and manipulation so what we are requesting or demanding to do is to suspend the proclamation until these allegations have been validated or disproved,” pahayag ni Gariguez sa panayam ng church run Radyo Veritas.
Iginiit ni Gariguez na kailangang maimbestigahan ang Comelec at Smartmatic ng isang independent body o isang citizens’ arm para maging tapat at patas ang imbestigasyon.
Maaari anyang ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Movement for Free Elections (NAMFREL) ang manguna sa imbestigasyon.
Noong Lunes, May 13 ay naantala ng halos pitong oras ang transmission ng mga data ng boto sa media companies.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ang problema ay dahil sa application na nagpapadala ng datos mula sa transparency server patungo sa mga media outlets.
Samantala, nagpahayag na rin si Commissioner Rowena Guanzon na bukas siyang magkaroon ng third party para imbestigahan ang mga iregularidad ng nagdaang eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.