Judge na nagbaba ng TRO sa Uber at GrabCar, nag-inhibit sa kaso

uber-grabcar-1204Nag-inhibit na sa kaso ang judge sa Quezon City na naglabas ng temporary restraining order (TRO) na nagsuspinde sa operasyon ng mga app-enabled transport services tulad ng GrabCar at uber.

Sa inilabas na order ni Judge Santiago Arenas na may petsang December 9, ipinaliwanag niyang kaya siya nag-kusang mag-inhibit sa kaso dahil kinwestyon ng petitioner ang kaniyang mga motibo at pagiging patas sa kaso.

Kasunod nito, naglabas na ang Office of the Clerk of Court ng notice para isagawa sa Lunes ang electronic re-raffle kung kaninong judge na mapupunta ang petition for injunction na inihain ng Stop and Go transport coalition laban sa Department of Transportation and Communications (DOTC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Magugunitang umani ng napakaraming batikos sa internet si Arenas mula sa mga pasaherong tumatangkilik sa ganitong uri ng transport service matapos niyang ihain ang 20-day TRO na nagpapatigil sa implementasyon ng guidelines ng DOTC at LTFRB sa mga Transportation Network Companies (TNCs) tulad ng Uber at GrabCar.

Kinwestyon ito ng Stop and Go coalition dahil giit nila, hindi lamang ang mga permit applications ng mga TNCs sa hinaharap ang dapat sakop ng TRO kundi ang mismong mga kasalukuyang accreditations.

Read more...