4 bata sugatan sa enkwentro ng magkaaway na mga pamilya sa Lanao del Sur

Apat na bata, na may edad 5 hanggang 15 anyos, ang nasugatan sa gitna ng palitan ng putok ng 2 magkaribal na political clans 2 oras bago nagsimula ang eleksyon noong Lunes.

Pauwi na ang Pamilya Guro sa Marawi City matapos bumuto si Lumbaca Unayan nang dumaan sila sa Barangay Poblacion kung saan nagpapalitan ng putok ang mga supporters ni incumbent Mayor Al-Rashid Macapodi at mga taga-suporta ng karibal nitong si Amano Balindong.

Ayon kay Lt. Jose Ganzan, operations officer ng 55th Infantry Battalion, nag U-turn ang sasakyan ng mga bata para hindi tamaan pero sinundan at pinaputukan sila.

Ang mga bata anya ay nakaupo sa likuran ng sasakyan nang sila ay tamaan.

Dinala ang mga biktima sa ospital sa bayan ng Binidyan at kalaunan ay inilipat sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City.

Bago dito, binaril umano ang isang poll watcher at kaanak ni Macapodi ng sinasabing kamag-anak ni Balindong.

Bilang ganti, tinambangan ang kapatid ni Balindong na si Saipoden na barangay treasurer sa bayan ng Pualas at sa puntong ito naipit ang mga bata.

Read more...