Comelec: Eleksyon matagumpay sa kabila ng mga aberya
Ikinunsidera ng Commission on Elections (Comelec) na matagumpay ang natapos na eleksyon noong Lunes sa kabila ng mga aberya sa mismong araw ng halalan at sa transmission ng election results sa transparency server.
Ayon kay Comelec chairman Sheriff Abas, humihingi ang Comelec ng pang-unawa at pasensya sa mga tao.
“Yun nga lang ang hinihingi namin ng pag-unawa at pasensiya sa mga tao but sa part namin, sa tingin namin successful pa rin ang election because ‘yung rate nga masyado pa ring mababa para sa amin,” pahayag ni Abas sa press conference bago nag-convene ang National Board of Canvassers araw ng Martes.
Itinuring din ni Abas na tagumpay na walang idineklarang failure of elections sa alinmang lugar.
“Lahat nakapag-conduct ng botohan, walang failure of election na natanggap kami. For us isang magandang milestone iyon,” ani Abas.
Ayon kay Abas, hanggang Martes ng umaga ay 961 o 1.1 percent ng 85,769 vote counting machines ang naiulat na depektibo na mas madami sa 801 VCMs na nag-malfunction noong 2016 elections.
Habang 1,665 o 1.9 percent ng 85,769 SD cards ang nagka-aberya kumpara sa 120 SD cards na depektibo noong nakaraang halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.