Sinabi ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na sa pangkalahatan ay naging mapayapa ang katatapos na 2019 national at local elections.
Maliban sa ilang “minimal disruption” ay naging matagumpay ang mga inilatag na paghahanda sa peace and order situation sa bansa ayon pa sa PNP at AFP.
Inamin naman ni AFP Public Information chief Col. Noel Detoyato na mayroon silang napigil na pagtatangka na guluhin ang halalan bago mag-alas tres ng hapon kanina pero hindi na siya nagbigay ng dagdag na detalye dito.
Sinabi ng opisyal na naging mabilis sa pagtugon sa tangkang panggugulo ang mga security forces kaya hindi ito natuloy.
Sa panig naman ng pulisya, sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na mananatiling nasa mataas na alerto ang kanilang hanay lalo’t on-going ang bilangan sa mga local positions.
Bukod sa ilang kaguluhan sa Mindanao at ilang lugar sa lalawigan ng Abra ay walang malalaking mga election-releated incidents na nirespondehan ang mga otoridad ayon pa kay Albayalde.