Ang Abra ay nasa watchlist ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa malalang political rivalry at insidente ng mga karahasan na may kaugnayan sa eleksyon.
Ilang linggo bago ang halalan ngayong araw, 10 insidente ng karahasan ang naitala ng pulisya sa probinsya simula noong Abril sa kabila ng nationwide gun ban.
Ayon kay Police Provincial Director Police Colonel Alfredo Dangani, nasa 2,000 pulis at sundalong may mga tangke ang ipapakalat sa buong Abra.
Handa anya ang AFP at PNP na tiyakin ang seguridad sa lalawigan.
Pumayag din ang Comelec en banc na magsilbi mismong sa halalan ang PNP personnel dahil sa isyu ng seguridad.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na sa kabila ng mga insidente ng karahasan ay magiging mapayapa ang halalan sa Abra.