Isang miyembro ng MNLF at tiyuhin nito, timbog matapos mahulihan ng P1M halaga ng shabu sa QC
Arestado ang isang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at tiyuhin nito sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City, Biyernes ng gabi.
Nakilala ni Quezon City Police District director Brig. Gen. Joselito Esquivel ang mga suspek na sina Bismar Sabtula Nadduha, 25-anyos, at ang tiyuhin na si Jinsir Abduhaddi Jhol, 40-anyos.
Narekober sa dalawa ang mahigit-kumulang P1 milyong halaga ng shabu sa bahagi ng Sta. Catalina, Barangay Holy Spirit.
Ani Esquivel, nag-ugat ang operasyon kasunod ng isinagawang anti-drug operation sa Barangay Old Balara kung saan nahuli sina Nemia Castilla at Marites Dela Cruz.
Sinabi nina Castilla at Dela Cruz na sina Nadduha at Jhol ang source ng pinagkukunang ilegal na droga.
Matapos makumpirma ang impormasyon, agad nagkasa ng operasyon kung saan nagpanggap ang isang pulis na bibili ng P50,000 halaga ng droga sa mga suspek.
Nakuha kina Nadduha at Jhol ang 150 gramo ng shabu na nagkakahalagang P1,020,000.
Isiniwalat naman ng mga suspek na nakukuha nila ang mga kontrabando sa isang Southeast Asian country.
Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.