Si Bobby Flores ay isa sa mga nagsasabing nasaksihan niya ang pagbaril ni Insp. Redempto Acharon sa broadcaster na si Dennis Cuesta malapit sa isang mall sa GenSan.
Ayon kay Flores, ipinaalam sa kaniya ng DOJ nitong December 2 na aalisin na siya sa WPP sa susunod na buwan, at hindi rin naging malinaw kung bakit.
Hindi pa umano niya ito pinipirmahan ngunit nagsabi na siya ng kaniyang pagpayag na tanggapin na lamang ang ibibigay sa kaniyang relocation funds.
Hindi rin niya maintindihan kung bakit aalisin na siya sa WPP gayong hindi pa nareresolbahan ang kaso laban kay Acharon na pamangkin ni South Cotabato Rep. Pedro Acharon.
Aniya, nangangamba siya sa kaligtasan niya at ng kaniyang pamilya dahil hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli ang suspek kaya’t anumang oras ay maari silang balikan nito.
Pitong taon na ang kasong murder laban kay Acharon, ngunit wala pa rin nangyayari at hindi pa rin nahuhuli ang suspek kahit pa matagal na itong may warrant of arrest.
Nananatili pa rin umanong at large si Acharon kahit pa may mga impormasyon nang namataan ito sa General Santos.
Si Cuesta ay kilalang mamahayag sa Radio dxMD.