Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) araw ng Huwebes, lumago lamang ng 5.6 percent ang gross domestic product (GDP) ng bansa na pinakamabagal sa loob ng apat na taon.
Sa talumpati sa miting de avance ng Hugpong ng Pagbabago – Hugpong sa Tawong Lungsod (HNP-HTL) sa Davao City, sinabi ng pangulo na may panahon na hindi gumastos ang gobyerno.
Ito ay dahil wala anyang perang gagastusin dahil sa bangayan ng Kamara at Senado tungkol sa pambansang pondo na nagresulta naman umano sa pagbaba ng GDP.
“May panahon na hindi tayo gumastos. That was the budget na pinag-awayan ng mga congressman at mga senador. Hindi tayo gumastos kasi walang pera…so ang GDP natin talagang bababa ‘yan. Ang laki ng nawala,” ayon sa pangulo.
Magugunitang nalagdaan lamang ng presidente ang 2019 national budget noong April 15.
Tiniyak naman ng pangulo sa publiko na ang 2019 budget ay patas na hahatiin sa mga rehiyon depende sa pangangailangan.
“But I’d like to assure everybody, all throughout the Philippines, that the money will be divided by regions and equally as needed,” giit ng pangulo.
Sa isang pahayag araw ng Huwebes, sinabi ng Malacañang na inaasahang lalago ang ekonomiya sa susunod na tatlong kwarter dahil sa implementasyon ng mga proyektong pang-imprastraktura at gumagandang domestic demand.