Inaresto ng mga pulis ang tatlong lalaki at isang babae na sinasabing ‘vote buyers’ sa M’lang Cotabato.
Ibinahagi ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang insidente sa kanyang Facebook account kung saan nakuha umano sa apat ang P206,600 na cash.
Pinaniniwalaan anya na gagamitin ang naturang pera para bumili ng boto.
Kwento ni Piñol, nakilala ang dalawa sa apat na sina Joel Bolero at Dafielmoto Pasquin na nakasakay sa isang pick up vehicle sa Brgy. New Kalibo.
Hinarang ang mga ito ng mga pulis ngunit may isa umanong abugado at staff ni North Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang dumating sa lugar para i-rescue ang apat.
Ayon kay Piñol, nasaksihan ng mga abugado mula sa PDP-Laban at miyembro ng media ang pagkakarekober sa mga bungkos ng pera.
Dinala na umano ang apat sa M’lang Police Station.
Kwento ng kalihim, hindi ito ang unang pagkakataon na naiugnay ang mga Taliño sa hinihinalang mga insidente ng pagbili ng boto.