
Isang buwan mula ngayon, ipatutupad na ang gun ban o pagbabawal sa pagbitbit ng armas sa mga pampublikong lugar.
Ang gun ban ay paiiralin sa panahon ng election period o mula January 10 hanggang June 8, 2016.
Sa nasabing panahon, kahit lisensyado pa ang baril ay ipagbabawal ang pagbibitbit nito sa mga pampublikong lugar kabilang na sa mga parke, kalsada, gusali at mga sasakyan, maliban na lamang kung may Certificate of Authority o CA.
Tanging ang Comelec lamang, sa pamamagitan ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel o CBFSP, ang may kapangyarihan na mag-isyu ng CA.
Samantala, sa panahon din ng election gun ban, ipagbabawal ang pagkuha ng serbisyo ng mga security personnel at ang pagbyahe ng mga armas at pampasabog kabilang na ang mga spare parts o mga bahagi nito.
Suspindido rin ang pag-iisyu ng firearms license at permit to carry firearms outside residence.
Ang sinumang lalabag ay mapapatawan ng parusa na isa hanggang anim na taong pagkabilanggo at permanente nang madidisqualify sa paghawak ng posisyon sa gobyerno at karapatang makaboto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.