Pilot implementation ng motorcycle taxis aprubado na ng DOTr

By Erwin Aguilon May 10, 2019 - 09:45 AM

Photo credit: Angkas

Inaprubahan na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pilot implementation ng operasyon ng mga motorcycle taxi sa bansa.

Ayon sa DOTr, inaasahang magsisimula ang pilot implementation ng motorcycle taxi operations, katuwang ang ride-hailing service na Angkas, sa unang bahagi ng Hunyo o isang buwan matapos lagdaan ni Tugade ang General Guidelines sa pilot implementation, at kasunod ng pagpapatupad ng naaayong public awareness campaign.

Ang isasagawang pilot implementation ng motorcycle taxi operations sa metro manila at metro cebu ang magsisilbing batayan ng mga panukalang batas sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.

binigyang-diin ni Tugade ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa mga ride-hailing service bilang pampublikong transportasyon.

Nakasaad din sa general guidelines na tanging sa pamamagitan lang ng mga motorcycle ride-hailing app pinahihintulutang mag-operate ang mga motorcycle taxi.

Habang umiiral ang pilot implementation, inaatasang magsumite ang ride-hailing platform kada buwan ng datos kaugnay ng mga kinasangkutang road crash, reklamo ng pasahero, layo ng biyahe at nasingil na pamasahe.

Sa pilot implementation sa Metro Manila, P50 ang singil sa unang dalawang kilometro; P10/km hanggang pitong kilometro; at hP15 para sa mga susunod pang kilometro.

Para naman sa Metro Cebu, P20 ang singil sa unang kilometro; P16/km hanggang walong kilometro; at P20/km sa mga destinasyong lampas sa 8 kilometro.

May kapangyarihan ang LTFRB na repasuhin at rebisahin ang surge cap.

Sinabi naman ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, umaasa ang TWG na makatutulong ang pilot implementation sa mga babalangkasing batas kaugnay ng mga motorcycle taxi.

Nakapaloob sa general guidelines para sa pilot implementation ang ilang safety requirements para sa motorcycle taxi driver at pasahero Kabilang na ang pagsuot ng safety gear na naaayon sa batas katulad ng helmet, reflectorized vest, at vest-based strap o belt; pagsunod sa speed limit na 60 kilometers per hour; pagmintina sa maayos na kondisyon ng motorsiklo; at pagsuot ng akmang uniporme ng mga driver.

Hindi rin dapat hihigit sa sampung (10) oras kada araw ang pagbiyahe ng mga rider.

Nakasaad din sa general guidelines na kailangang may accident insurance ang motorcycle taxi, sa halagang kapareho o mas mataas pa sa singil ng Passenger Personal Accident Insurance Program (PPAIP).

TAGS: Angkas, dotr, Radyo Inquirer, ride hailing app, transport system, transportation, Angkas, dotr, Radyo Inquirer, ride hailing app, transport system, transportation

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.