Food manufacturer na hinihinalang nagtatapon ng dumi sa Pasig River papatawan ng multa matapos tumangging magpa-inspeksyon
Nakatakdang patawan ng multa ang isang kumpanya dahil sa pagtanggi sa inspeksyon ng gobyerno bunsod ng alegasyong nagtatapon ito ng dumi sa Marikina River at Pasig River.
Hindi pinayagan ng pamunuan ng Universal Robina Corporation (URC), ang mga tauhan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), Department of Environment and Natural Resources, at Laguna Lake Development Authority (LLDA) na mapasok ang kanilang pasilidad para sana sa inspeksyon.
Ang sorpresang inspeksyon sa Robina ay iniutos ni PRRC Executive Director Jose Antonio E. Goitia bilang bahagi ng crackdown ng gobyerno sa mga kumpanyang nagsasagawa ng illegal discharge sa ilog ng Marikina at Pasig.
Ayon kay Goitia, wala naman silang naging problema sa ibang kumpanya na kanilang ininspeksyon pero ang URC (Robina) ay tumangging papasukin ang kanilang team.
“Since Monday, we have been inspecting factories, and we have no problem until today when URC refused us entry. What are they hiding?,” ani Goitia.
Mahaharap ang Robina sa inisyal na multa P25,000 dahil sa kanilang pagtanggi.
Ani Goitia mas malaking multa pa ang kakaharapin ng Robina kapag tumanggi pa muli sa susunod na inspeksyon.
Itinala na rin sa blotter ng barangay ang insidente at sinaksihan ni Barangay Ilog Chairman Jose Nilo C. Abreño ang pangyayari.
Kamakailan may nag-viral na video sa social media kung saan makikita ang puting likido sa Marikina River na dumadaloy patungong Pasig River.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.