Konstruksyon ng P18.7B Kaliwa Dam Project ipinahihinto sa Korte Suprema
Naghain ng petisyon ang Makabayan Bloc sa Korte Suprema araw ng Huwebes (May 9) upang ipanawagan ang pagpapahinto sa kontruksyon ng kontrobersyal na P18.7 bilyon Kaliwa Dam project.
Ayon sa petitioners, labag sa Saligang Batas ang loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at China para sa naturang dam dahil hindi isinapubliko ang procurement documents na pumipili sa Export-Import Bank ng China bilang kontraktor.
Nagbabala rin ang Makabayan bloc na maaaring sumunod ang Pilipinas sa Sri Lanka na nabaon sa utang sa China at walang nagawa kundi ipaubaya na lamang ang kanilang port.
Ang loan agreement umano na ito sa China ay pabor lamang sa China at walang bentahe sa Pilipinas.
Nanawagan si Bayan Muna chairman Neri Colmenares na maglabas muna ang Korte Suprema ng restraining order habang nakabinbin pa ang kanilang petisyon.
Nauna nang nagbabala si Senior Associate Justice Antonio Carpio tungkol sa loan agreements sa China dahil ginagawa umanong collateral ang patrimonial assets ng bansa para sa Kaliwa Dam Project at Chico River Irrigation Pump Project.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.