DTI ipinatigil pansamantala ang operasyon ng ‘Chinese food plaza’ sa Las Piñas
Pansamantalang ipinatigil ng Department of Trade and Industry (DTI) ang operasyon ng isang Chinese food plaza sa Las Piñas.
Nagsagawa ng inspeksyon ang DTI sa nasabing food plaza at dito tumambad ang sari-saring mga paglabag.
Magugunitang nag-viral sa social media ang food plaza dahil Chinese national lamang ang pwede umanong kumain doon.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez sinubukan ng mga taga-DTI na kumain nang hindi nagpapakilala at pinagbilhan naman ang mga ito.
Gayunman, nagpulasan umano ang ibang cook at ibang tao sa stalls na mukhang Chinese nang dumating siya at ang iba pang naka-unimpormeng tauhan ng DTI.
Dahil dito, pinaiimbestigahan ng DTI sa Department of Labor and Employment at sa Bureau of Immigration kung may work permits ang mga mukhang dayuhan na empleyado.
Patitingnan din sa Las Piñas government kung may business permits ang 30 food stalls sa loob ng plaza.
Bukod dito, napuna rin ng kagawaran ang ibinebentang exotic dish at maging ang paraan ng waste disposal ng mga tindahan kung saan diretso ang mantika sa kanal na namumuo at mabaho na.
Samantala, maging ang resibo ng ilang stalls ay may Chinese characters at hindi rehistrado sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.