Lingig, Surigao del Sur Mayor Luna arestado sa armas, pampasabog at droga
Arestado si Lingig, Surigao del Sur Mayor Roberto Luna Jr., matapos makuha sa kanyang bahay ang mga armas, pampasabog at droga Huwebes ng umaga.
Inaresto si Luna sa Barangay Poblacion sa pamamagitan ng pinagsanib na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Surigao del Sur, Philippine National Police Special Action Force, Lingig Municipal Police Station at Regional Intelligence Division.
Nakuha sa pag-iingat ni Mayor Luna ang Colt .45 pistol, magazine na may .9 millimeter-caliber ammunition, magazines ng .45 caliber pistol at KG9, rifle grenade, at pinatuyong marijuana.
Ayon kay Police Regional Office 13 chief Brig. Gen. Gilberto Cruz, nakumpiska rin sa alkalde ang P2 million cash na hinihinalang gagamitin sa vote-buying dahil nakalagay ang pera sa mga puting envelope na may sample ballots.
Si Luna ay itinuturing ng pulisya na high value target at kasama ito sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga pulitikong sangkot sa droga.
Nahaharap si Luna sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9516.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.