Comelec, tiwalang babawiin ang TRO ng SC sa ‘No Bio No Boto’
Kumpiyansa ang Commission on Elections na mababaligtad ng Korte Suprema ang inilabas nitong temporary restraining order sa ‘No Bio No Boto’.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista, marami pa silang dapat na tapusin sa paghahanda sa 2016 elections.
Ipinaliwanag ni Bautista na marami pang dapat na ayusin dahil iniiwasan nila ang domino effect para hindi mabalam ang election preparations.
Isa sa inaayos ng Comelec ang Voters’ List para matiyak na hindi makalulusot ang mga flying voters.
Kahapon, nagsagawa ng special en banc session ang Comelec para pag-usapan ang ilang mga problema.
Bukas ay nakatakdang maghain ang Comelecng kanilang sagot sa naging desisyon ng korte suprema sa no bio no boto campaign.
Samantala, nakiusap na si House Committee on Suffrage ang Electoral Reforms Chairman Fredenil Castro sa korte suprema na i-lift na ang inilabas nitong temporary restraining order o TRO sa “No Bio, No Boto” policy ng Comelec.
Paliwanag ni Castro, hayaan na lamang ng Comelec na hindi makaboto ang nasa mahigit tatlong milyong botante na hindi nakapag-biometrics.
Punto ng Kongresista, ang karapatang bumoto ay may kaakibat na obligasyon na magpa-rehistro at magpa-biometrics.
Naniniwala si Castro na hindi kasalanan ng Comelec kung hindi nagawa ng milyong-milyong botante ang kanilang obligasyon na magpa-biometrics.
Aniya, naglaan ng mahabang panahon ang Comelec para sa proseso ng biometrics, at hindi nagkulang sa paalala ang komisyon.
Kailangan din umanong matuto ng leksyon ang mga tao na hindi tumupad sa pagpapa-biometrics upang sa susunod na halalan ay magagawa na nila ang obligasyon upang makaboto.
Kaugnay nito, kinontra ni Castro ang naunang pahayag ni Comelec Chairman Andres Bautista na posibleng magkaroon ng “NO-EL” o no-election scenario kung hindi mali-lift ang No Bio, No Boto policy.
Paalala ni Castro, ang postponement ng halalan ay mangangailangan ng pag-amyenda sa batas, lalo’t batay sa Konstitusyon ay dapat na idaos ang pampangulungang eleksyon sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.