Ayon kay MMDA traffic chief Bong Nebrija, hinuli ang mga bus drivers dahil sa pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa iba’t ibang bahagi ng EDSA.
Umabot anya sa 15 hanggang 18 provincial bus drivers ang nahuli kada araw simula nang ipatupad ang traffc scheme noong April 22.
Bumababa naman anya ang bilang ng pasaway na mga bus drivers patunay na sumusunod sila sa polisiya.
Gayunman, sa kabila ng suspensyon ng dry run ng provincial bus ban, sinabi ni Nebrija na hindi pa rin pwedeng magsakay at magbaba ng mga pasahero ang bus drivers.
Nilinaw din ng opisyal na tuloy pa rin ang ban sa provincial buses sa EDSA sa Hunyo at isinasapinal na lamang ang polisiya.
Nakatakda umanong magpulong ang MMDA kasama ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para pag-usapan ito.
Isinaalang-alang anya ang suspensyon ng dry run upang hindi ito makaapekto sa publiko dahil sa paparating na halalan sa Lunes, May 13.