Sisimulan na ng Senado ang imbestigasyon sa mga alegasyon ni Pete Joemel Advincula o mas kilala bilang si alyas ‘Bikoy’ sa araw ng Biyernes (May 10).
Si ‘Bikoy’ ang naglathala sa “Ang Totoong Narcolist” video ng umano’y pagkakasangkot ng ilang kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa ilegal na transaksyon ng droga.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, magsisimula ang pagdinig bandang 9:30 ng umaga.
Ani Lacson, itutuloy ang pagdinig oras na kumpirmahin ni ‘Bikoy’ ang kaniyang pagdalo para ilahad ang kaniyang pahayag.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang background investigation at pagsusuri kay ‘Bikoy.’
Sinabi pa ni Lacson na magpapadala ang komite ng pormal na imbitasyon kay Advincula sa pamamagitan ng Integrated Bar of the Philippines o IBP.