Panauhing pandangal si Pangulong Benigno Aquino III sa ika-30 anibersaryo ng Philippine Daily Inquirer kagabi.
Idinaos ang okasyon Miyerkules ng gabi sa Marriott hotel, sa Newport City Complex sa Pasay City.
Sa kanyang talumpati, ginunita ni Pangulong Aquino ang una niyang pagharap sa mga miyembro ng Inquirer noong ito ay nagdiriwang pa lamang ng kanilang ika-25 taong anibersaryo.
Inalala rin ng Pangulo ang malalim na ugnayan ng PDI at People Power Revolution na nagsilbing hudyat ng pagbagsak ng rehimeng Marcos noong 1986 at ang mga kaganapan matapos mapatay ang kanyang ama na si dating Senador Benigno Aquino Jr.
Sa naturang mga bahagi ng kasaysayan aniya, naging bahagi ang PDI sa pagbibigay ng tunay na larawan sa publiko sa pamamagitan ng makatotohanang pamamahayag.
Nagpaalala naman ang Pangulo sa publiko na maging mapagmatyag sa ginagawang mistulang pagtatangka ng ilan na baguhin ang bersyon ng mga naganap noong panahon ng Martial Law.
Samantala, ayon pa rin kay Pangulong Aquino, sa kasalukuyang panahon, bagamat paminsan-minsan aniya ay umaani siya ng pagpuna mula sa naturang pahayagan, may mga pagkakataon din namang binibigyan nito ng halaga ang kanyang mga nagawa para sa taumbayan.
Nagpahayag din ng tiwala si Pangulong Aquino na tulad ng naging mahalagang papel ng Inquirer noong panahon ng Martial Law, mananatiling bahagi ng adbokasiya ng pahayagan ang pagbibigay ng tunay na impormasyon sa publiko kahit matapos na ang kanyang termino sa 2016.