APEC chairs, isusubasta para sa UNICEF
Isusubasta na ang anim na ‘Yoda chairs’ na inupuan ng ilang mga prominenteng lider na dumalo noong Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.
Ang magiging kita sa auction ay ido-donate naman sa kawanggawa.
Dinisenyo ng Cebuanong industrial engineer na si Kenneth Cobonpue ang mga nasabing silya na inupuan nina US President Barack Obama, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong, Mexican President Enrique Peña Nieto at ni Pangulong Benigno Aquino III sa welcome dinner reception na ginanap sa Mall of Asia Arena.
Ito ang mga kulay berdeng upuan na mistulang gawa sa mahahabang hibla-hibla ng damo na may ‘arm rest’ at ‘swivel mechanism’.
Mapupunta sa UNICEF 1,000 Days campaign ang kikitain ng auction ng mga APEC memorabilia, na ilalaan para magbigay ng pre-natal at after-birth nutrition sa mga sanggol.
Ayon kay UNICEF Special Advocate for Children Daphne Osena- Paez, inaasahan nilang malaki-laki ang makukuha nilang kita mula rito dahil ang isang upuan ay nagkakahalaga ng P75,000.
Si Cobonpue aniya mismo ang tumawag sa kaniya para ibigay sa Unicef auction ang anim sa kaniyang mga obrang upuan.
Sisimulan ang bidding sa December 16, sa pamamagitan ng ‘live auction’ o kaya sa SMS auction pagkatapos sumailalim sa pre-registration process.
Matatanggap ng mananalong bidder ang Yoda chairs na may nakalagay na ‘metal plaque’ kung saan makikita ang pangalan ng state leader na gumamit nito, pati na tin ang Certificate of Authenticity mula kay Cobonpue.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.