Ang LPA na nasa loob ng bansa ay huling namataan ng PAGASA sa layong 150 kilometers north northwest ng Laoag City.
Maliit naman ang tsansa na maging isang ganap na bagyo ang LPA at maaring sumunod sa direksyon ng frontal system na nasa Luzon, gayunman, ngayong araw hanggang bukas ay magpapaulan na ang nasabing LPA sa malaking bahagi ng Luzon.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Mindoro provinces, Marinduque, at Romblon ay makararanas ng maulap na papawirin ngayong araw na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa buntot ng LPA.
Ayon kay Rojas, para sa mga residente ng Ilocos Region, CAR, Zambales, Pangasinan, Pampanga, at Tarlac ay asahan ang mas malalakas na pag-ulan.
Ang Palawan, buong Visayas at Mindanao ay makararanas lamang ng isolated na pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.
Ang isa pang LPA na binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa ay huling namataan sa layong 1,265 kilometers east ng Mindanao.
Mabagal ang kilos ng LPA at maaring pumasok sa bansa mamayang gabi o bukas umaga.
Hindi naman inaasahang magiging bagyo ang LPA at maaring malusaw habang papalapit ng Mindanao.