Tinapos ng opposition slate na Otso Diretso ang kanilang serye ng provincial campaign sa Cavite, araw ng Lunes (May 6).
Ang Cavite ang second most vote-rich province sa buong bansa at isa ito sa mga lugar na nagbigay ng panalo kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Dumalo sa kanilang huling provincial sortie sina Gary Alejano, Samira Gutoc, Romulo Macalintal at Erin Tañada habang may kinatawan naman ang apat na iba pang kandidato.
Naganap ang miting de avance sa Aguinaldo Shrine na may mahalagang papel sa kasayasayan ng bansa dahil dito idineklara ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya.
Ayon kay Gutoc, gumagawa ang Otso Diretso ng rebolusyon para sa mga natutulog na Filipino.
Sinabi naman ni Alejano na kabilang sa grupong Magdalo, na mag-aaklas sila sa mga lider na korap at inaapi ang sariling mga kababayan.
Naniniwala naman si Tañada na sakaling masungkit ang boto ng mga Caviteño ay matitiyak ang kanilang pwesto sa Senado sa darating na halalan.
Masaya naman si Macalintal na ang ilan sa mga alkalde ng Cavite ay nagpahayag ng suporta sa kanya sa pamamagitan ng paglalagay sa kanyang pangalan sa sample ballots.
Ang Cavite ay mayroong 2.1 milyong rehistradong botante para sa May 13 elections.
Samantala, magaganap ang huling campaign rally ng grupo sa University of the Philippines Diliman Sunken Garden bukas, araw ng Miyerkules.