Bumaba sa P32 kada kilo ang presyo ng regular-milled rice mula sa dating P40 kada kilo sa ilang palengke sa Metro Manila.
Ayon sa retailer ng regular-milled rice, galing Nueva Ecija ang bigas na kanyang ibinebenta.
Sa ngayon ay bahagyang mababa ang presyo ng bigas dahil marami na ang supply.
Samantala, ang presyo ng local well-milled rice ay nasa pagitan ng P40 at P44 kada kilo.
Sa datos naman ng Department of Agriculture, naglalaro sa P36 hanggang P40 ang prevailing price ng well-milled rice habang nananatili sa P27 ang kada kilo ng NFA rice.
Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, lalong bababa ang presyo ng bigas dahil mas marami na ang supply.
Sa unang pagtaya ng Department of Trade and Industry (DTI), maaaring bumaba sa P30 ang kada kilo ng bigas kung mas maraming papasok na imported rice dahil sa Rice Tarrification Law.