Petisyon kontra kandidatura ni Cayetano ibinasura ng Comelec
Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na nagpapadiskwalipika kay dating Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano sa pagtakbo bilang Representative ng 1st District ng Taguig-Pateros.
Sa resolusyon ng Comelec 2nd Division, nakasaad na walang pagkakamali si Cayetano nang maghain ito ng kandidatura.
Wala umanong maling representasyon sa inilagay ni Cayetano sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) na nakatira pa rin ito sa 209 Paso Street, Barangay Bagumbayan, Taguig City kahit may bahay na ito sa 353-A Two Serendra, Fort Bonifacio, Taguig.
“His domicile remains to be that in Barangay Bagumbayan, which has been his domicile from 1991 up to the present,” ayon sa Comelec.
Sa petisyon na inihain noong Nobyembre, kinuwestyon ni Loenides Buac ang pagiging residente ni Cayetano ng Barangay Bangumbayan sa unang distrito ng Taguig City gayung ang asawa nitong si Mayor Lani ay nakatira sa Barangay Fort Bonifacio sa ikalawang distrito kung saan ito tumatakbong kongresista.
Pero ayon sa poll body, hindi masasabing hindi na nakatira si Cayetano sa bahay nito sa Barangay Bagumbayan dahil lamang lumipat na ang asawa nito sa Two Serendra.
“A person may live and maintain residences in different places but it does not result [in] loss of domicile,” nakasaad sa resolusyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.