Masusing pag-aaral para sa provincial bus ban sa Edsa kailangan – MMDA
Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kailangan pa ng mas maraming pag-aaral at pagsusuri bago ipatupad ang pagbabawal ng provincial buses sa kahabaan ng Edsa para hindi makaabala sa mga pasahero lalo na sa darating na May 13 midterm elections.
Ito ang sinabi ni MMDA traffic chief Bong Nebrija sa isang ambush interview mataps na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Appropriations and Transportation at sa oversight on public expenditures sa pangunguna ni House Speaker Gloria Arroyo para sa 2020 budget proposal.
Sinabi nina Nebrija at ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra na dapat muna nilang tugunan ang ilang concerns para sa implementasyon ng MMC Regulation Number 19-002 na nag-oobliga sa local government units para kanselahin ang business permits ng mga provincial bus terminals sa Edsa.
Dahil dito, kaya hindi muna umano isasara ang mga bus terminal na nasa kahabaan ng Edsa hanggang hindi naisasapinal ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ang implementing rules and Regualtions (IRRs) at guidelines para i-transfer ang bus terminals sa Valenzuela City para sa mga may ruta sa Northern Luzon at sa Santa Rosa City, Laguna para naman sa mga patungong South.
Ginawa ng mga dalawang opisyal ang pahayag matapos suspendihin ang dry run na nakatakda sana sa Mayo 15 para maiwasan na rin umano na ma-delay ang mga pasahero na magtutungo sa kanilang mga lalawigan at babalik dito sa Maynila para makaboto sa May 13.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Nebrija na hindi kinakansela ng MMDA ang implementation ng polisiya kundi sinuspinde lang pansamantala at maaaring ipatupad pagkatapos ng eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.