Naipadala na sa Manila City hall madaling araw ng Linggo (May 5) ang mga opisyal na balota para sa May 13 elections.
Gayunman, ilan sa mga poll watchdogs ang pumuna sa mga sirang selyo partikular ng isang kahon ng balota at ng truck.
Ayon sa cargo delivery representative, nasira lamang ang ilan sa mga selyo dahil sa paggalaw ng sasakyan.
Sinabi ni Manila City Treasurer’s Office officer-in-charge Josephine Daza, ipaaalam nila ang sitwasyon ng sirang mga selyo sa Commission on Elections (Comelec).
Ang opisina ni Daza ang itinalaga ng Comelec na tumanggap sa mga balota at itago ang mga ito bago ipamahagi sa polling precincts.
Iginiit ng opisyal na ang mga watchdogs ng mga kandidato ay maaari rin namang isumbong sa Comelec ang isyu ng sirang mga selyo.
Natanggap ng Treasurer’s office ang 1,502 kahon ng mga balota para sa 1,502 presinto.
Inilagay ang mga ito sa tatlong kwarto na sinelyuhan naman ng mga Manila paper at tape na pinirmahan ng mga kinatawan ng mga grupo ng mga kandidato.
May mga pulis namang nagbantay sa lugar para tiyakin ang seguridad ng official ballots.
Samantala, ganito rin ang naging sitwasyon sa mga balota na inihatid sa Pasig City noong Biyernes.
Ang insidente ay ipinaalam ng TV personality at pulitikong si Shalani Soledad kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez sa pamamagitan ng Twitter.
Pero iginiit ni Jimenez na posibleng nasira lamang ang stickers dahil sa paggalaw ng truck at maaari naman anyang magsagawa ng beripikasyon sa laman ng mga shipment.