VP Binay, aatras sa 2016 – Trillanes

June 25, 2015 - 02:21 PM

trillanes-binay1Naniniwala si Senador Antonio Trillanes IV na hindi matutuloy sa pagtakbo sa pagka-Pangulo sa 2016 si Vice President Jejomar Binay.

Ayon kay Trillanes, hindi dapat pinanghahawakan ang mga salita ni Binay na kadalasan ay hindi naman natutupad.

Maliban dito, marami pang kaganapan sa mga susunod na buwan na posibleng maka-apekto sa desisyon ni Binay na ituloy ang kandidatura.

Marami pa aniya ang mga mangyayari sa mga darating na buwan at baka magtago na ito sa oras na magpalabas na ng mandamiyento de aresto laban sa kanya ang hukuman dahil sa patung-patong na kaso.

Dagdag ni Trillanes, mapanghihinaan na ng loob si Binay na tumakbo pa sa pampanguluhang halalan sa oras na mailabas pa nila ang iba pang anomalya ng Pangalawang Pangulo.

Bago aniya ang SONA sa Hulyo, ay may ilalabas muli na mahalagang isyu si Trillanes laban kay Binay na dapat abangan ng taumbayan.

Samantala, aminado naman ang senador na ‘valid’ ang  pahayag ni Binay na manhid ang gobyerno ” in some instances” subalit, hindi aniya si Binay ang karapat-dapat na magsabi nito.

Mistula din aniyang nagsunog ng tulay sa administrasyon ang bise-presidente nang magpatutsada ito kahapon laban sa  kasalukuyang gobyerno.

Nag-ugat umano ang galit ni Binay sa administrasyon nang tanggihan siya ni Pangulong Aquino na i-endorso sa 2016 Presidential elections.

100 porsiyento na rin aniya siyang tiyak na sasabak sa pagka-bise presidente sa 2016 elections.

Sa katunayan, kumuha na aniya siya ng short course sa Harvard University sa America hinggil sa national at international security.

Sinabi ng senador na 2013 pa lamang ay nagsabi na siya sa Nacionalista Party na target niyang tumakbo sa pagka-Pangalawang Pangulo sa 2016.

Wala naman aniya kumontra sa kanyang partido nang ipabatid niya ang kanyang balakin.

Bagaman mababa siya sa survey, sinabi ng senador na umaasa pa rin siya na magbabago ang isip ng publiko sa kung sino ang pipiliing karapat-dapat na maging Pangalawang Pangulo.

Aminado rin siya na si Senator Chiz Escudero ang magiging mahigpit niyang katunggali sa susunod na halalan at hindi si Senador Grace Poe, dahil ito ay malakas na kandidato sa pagka-Pangulo./ Ricky Brozas

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.