Mt. Bulusan sa Sorsogon, itinaas sa Alert Level 1

Phivolcs photo

Idineklara ng Phivolcs ang Alert Level 1 status sa Mount Bulusan, araw ng Linggo (May 5).

Sa inilabas na abiso ng Phivolcs, ito ay dahil sa pagtaas ng bilang ng seismic activity ng bulkan.

Nakapagtala ng 16 na volcanic earthquake sa seismic monitoring network ng naturang bulkan.

Dagdag pa ng Phivolcs, namataan ang kaunting paglobo sa uppeer slopes nito mula April 29 hanggang May 5.

Napansin din anila ang pagtaas ng water temperature sa mga tinututukang bukal at inilalabas na puting usok ng bulkan.

Ayon sa Phivolcs, ang pagtaas sa Alert Level 1 ay nangangahulungang posibleng mayroong hydrothermal process sa ilalim ng bulkan na maaaring magdulot sa steam-driven eruptions.

Dahil dito, pinaalalahanan ang mga local government unit (LGU) at publiko na hindi muna maaaring pumasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan.

Sinabi pa ng Phivolcs na dapat ding maging maingat sa Extended Danger Zone (EDZ) o dalawang kilometrong haba bago ang PDZ para makaiwas sa posibleng phreatic eruption, rockfall o landslide.

Nagbabala rin ang ahensya sa mga otoridad ng civil aviation na delikadong lumipad ang mga eroplano sa bulkan dahil sa inilalabas na abo nito.

Dapat din anilang maging alerto ang mga residenteng nakatira sa mga ilog sa posibleng lahar bunsod ng malakas na buhos ng ulan.

Read more...