Pinaka-malaking job fair inilunsad sa Bocaue, Bulacan

Inilunsad sa Bocaue, Bulacan ang Tulong, Trabaho at Kabuhayan, ang pinakamalaking job fair sa kasaysayan sa nasabing bayan kasabay ng Labor Day celebration noong May 1.

Ang nasabing proyekto ay pinangunahan nina Sen. Joel Villanueva at Bocaue, Bulacan Mayor Joni Villanueva.

Dalawang libong trabaho sa iba’t ibang industriya tulad ng call center at consumer products, at mga trabaho sa opisina ang inialok sa mga dumalo sa job fair.

Nakilahok din sa okasyon ang tatlumpung lokal na kompanya at apat na kompanyang nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa ang nagbukas ng halos tatlong libong oportunidad.

“This day is super, extra special day for Bocaueños. Sobrang laking tulong po nito sa bawat pamilyang Bocaueño na mabigyan at magkaroon sila ng trabaho upang mas lalong maiangat ang kanilang pamumuhay. Dahil din po sa ating mga dakilang mangagawa ay tumaas po ang tax revenues ng bayan ng Bocaue more than to the expected limit”, ayon kay Mayor Villanueva.

Sinabi naman ni Sen. Villanueva na magpapatuloy ang kanilang programa para sa dagdag na trabaho lalo na sa mga residente sa bayan ng Bocaue.

Guest of honor sa nasabing pagtitipon si Labor Sec. Sylvestre Bello III.

Sa nakalipas na tatlong taon ay umabot na sa 17,585 ang nabigyan ng trabaho bilang bahagi ng taunang job hunt activity sa naturang bayan.

Katuwang din sa ginanap na job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Public Works and Highways (DPWH), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Science and Technology (DOST) at Bocaue PESO.

Read more...