Comelec nagkukumahog sa paghahanap ng partner para sa Random Manual Audit
Matapos mawalan ang Namfrel ng accreditation bilang citizen’s arm sa eleksyon, nagkukumahog ngayon ang Comelec sa paghahanap ng partner sa Random Manual Audit (RMA).
Pahayag ito nina Comelec Commissioner Luie Tito Guia at Comelec spokesperson James Jimenez matapos mawalan ng accreditation ang Namfrel sa Open Election Data.
Dahil dito ay limitado na ang grupo na kalahok sa RMA at monitoring ng mga paghahanda para sa May 13 elections.
Ang random manual audit ay bahagi ng automated election system na sinimulang gamitin noong 2010 elections.
Ang mga balota mula sa mga random na napiling clustered precincts ay kailangang mano-manong inspeksyunin at bilangin.
Pagkatapos ay ikukumpara ang mga balota para makita kung match ang resulta sa output mula sa vote counting machine.
Ayon sa Namfrel, mahalaga ang access sa Open Data project, bagay na tinutulan ni Guia dahil wala umanong kinalaman ang Open Election Data sa RMA proceedings.
Bagamat kumpyansa si Guia na magagawa nila ang random manual audit kahit walang citizen arm, naghahanap pa rin ng partner ang Comelec.
Samanta, sinabi ni Jimenez na ang partner ng Comelec sa parallel count ay ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Ang PPCRV ay bibigyan ng Comelec ng hard at digital copies ng election returns para sa parallel count.
Una nang sinabi ng Comelec na ang mga nanalo o bagong senador ay mapo-prokalama sa loob ng 2 linggo matapos ang halaan habang ang mga nanalo sa local positions ay sa loob ng 24 hangang 72 oras matapos ang eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.