Namfrel tinanggihan ang Comelec accreditation bilang citizen’s arm sa eleksyon
Tinanggihan ng National Citizen’s Movement for Free Elections (Namfrel) ang accreditation na ibinigay ng Commission on Elections (Comelec) matapos malimita ang kanilang access sa lahat ng datos na may kinalaman sa May 13 elections.
Sa press briefing araw ng Biyernes, sinabi ni Namfrel Council Member Lito Averia na noong December 5 ay humiling sila ng accreditation sa Comelec para sa magaganap na halalan.
Partikular anyang hiniling ng Namfrel sa Comelec na ma-accredit ang tatlo sa kanilang major projects, ito ang pagsasagawa ng Random Manual Audit (RMA), paghahanda sa monitoring at ang Open Election Data project.
Pero sinabi ni Averia na ang binigay na accreditation ng poll body ay para lamang sa unang proyekto na random sa pagsasagawa ng RMA gayundin ay binigyan ang Namfrel ng access sa 27th printed copy ng election returns (ER) sa precinct level.
Dahil dito ay naghain ang Namfrel ng manifestation kung saan ibinasura nila ang accreditation mula Comelec.
Ayon sa Namfrel, kung walang open access sa impormasyon at data, hindi makakasali ang Namfrel sa RMA na makakatulong sa monitoring ng mga iregularidad sa eleksyon.
Sa kabila nito ay sinabi ng Namfrel na tuloy ang kanilang obligasyon na imonitor ang midterm elections.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.