Ayon kay Department of Justice spokesman at Undersecretary Emmanuel Caparas babasahin pa at pag-aaralan ni Justice Secretary Alfredo Benjamin Caguioa ang report ng NBI bago ito isapubliko.
Ngayong araw ang deadline para sa pagsumite ng NBI sa nasabing report matapos itong humirit ng 15-working day extension sa DOJ.
Ang Task Force Talaba ay binuo ni Secretary Caguioa dahil sa dumaraming reklamo sa kaso ng laglag o tanim bala sa paliparan.
Karamihan sa mga nahuhulihan ng bala ay itinatangging sa kanila ang bala at kusa nila itong dinala.
Isa sa mga sinasabing biktima ay ang American tourist na si Lane Michael White na nagsabing tinangka pa siyang kikilan ng P30,000 ng isang airport personnel para hindi na siya sampahan ng kaso matapos mahulihan umano ng bala sa bagahe.
Sa ginawang imbestigasyon ng NBI, kabilang sa mga tinukoy ang posibleng kasong kriminal at administratibo na kakaharapin ng mga sangkot sa laglag/tanim bala scheme.