Pinsala ng El Niño sa agrikultura umabot na sa P7.9B

Umabot na sa P7.9 bilyon ang pinsala sa agrikultura ng mahinang El Niño ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa huling tala ng kagawaran araw ng Huwebes (May 2), ang production loss para sa palay ay P4 bilyon habang P3 bilyon naman sa mais.

Apektado rin bukod sa palay at mais ang high-value crops at mga isda.

Tinatayang 277,890 ektaryang lupang pansakahan na ang napinsala na nakaapekto sa higit-kumulang 250,000 magsasaka at mangingisda.

Sa kabila naman ng epekto ng El Niño sa produksyon ng palay at mais, kumpyansa ang kagawaran na maaabot pa rin ang production target ayon kay Asec. Andrew Villacorta.

May inaasahan umanong magandang ani mula sa Regions 1, 2 at 3 na makahahalili sa production loss.

“Sa rice in terms of production loss wala pang 1 percent, sabihin na natin almost 1 percent yung loss natin, 190k na metric tons ang nawala. But Region 1, 2, 3 are expecting a good harvest para mako-compensate yung loss,” ani Villacorta.

Iginiit din ng opisyal na sa buwan ng Mayo ay halos patapos na rin ang pag-ani at ang iba pang pananim ay hindi na nangangailangan masyado ng tubig.

Samantala, nakapagbigay na anya ang DA ng P360 milyong insurance payments at emergency loans sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Read more...