Rodel Jayme itinanggi ang papel niya sa ‘Bikoy’ videos
Itinanggi ng administrator ng website kung saan lumabas ang “Bikoy” videos na may kinalaman siya sa pagdawit sa mga kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng droga.
Matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ni Rodel Jayme na gumawa siya ng isang website para sa kapwa supporter ng Liberal Party.
Pero pinabulanaan nito na may alam siya sa lumabas na mga “Bikoy” videos.
Paliwanag nito, ibinigay niya ang kontrol sa website na MetroBalita.net sa mga taong nagpagawa nito sa kanya.
Ayon kay Jayme, nagamit lamang siya dahil ang alam umano nito ay pinagawa siya ng website para sa magandang layunin.
Kumpyansa ito na mapapatunayang inosente siya sa kasong inciting to sedition na isinampa laban sa kanya.
Isinuko na ni Jayme sa NBI ang kanyang laptop at cellphone at sinabi nito sa ahensya na handa siyang pangalanan kung sino ang nagpagawa sa kanya ng website.
Nangangamba na si Jayme sa kanyang buhay dahil may natatanggap na siyang mga banta.
Si Jayme ang natukoy na nag-share ng mga video na may titulong “Bikoy” at “Ang Totoong Narco list” na nag-uugnay sa pamilya ng Pangulo sa illegal drugs trade.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.