Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hinuli at nakakulong ngayon sa tanggapan ng National Bureau of Investigation si Rodel Jayme na sinasabing nag-upload ng “Bikoy: Ang totoong narcolist” video.
Ang nasabing online video ang nagdawit sa ilang miyembro ng Duterte family sa iligal na droga kasama ang menor-de-edad na anak ng pangulo na si Kitty.
Sa kanyang ipinatawag na press conference, sinabi ni Guevarra na si Jayme rin ang registered administrator ng website ng www.metrobalita.net na nagpapakilala bilang isang online news portral.
Ang nasabing domain rin ang naka-rehistro na nag-upload ng Bikoy video sa Youtube.
Natukoy si Jayme sa pamamagitan ng Google adsence ID na isang unique protocol para sa mga online user na gumagamit ng serbisyo ng nasabing internet site.
Si Jayme ay sinasabing operator rin ng ilang grupo na konektado sa ilang personalidad sa hanay ng oposisyon.
Kabilang sa kanyang mga naging trabaho ay administrator ng ilang anti-government online account na sinasabing pinonondohan ng ilang kritiko ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Guevarra na inaresto si Jayme noong madaling-araw ng April 30 ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa hindi sinabing lugar.
Siya ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Makati City Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano.
Hindi pa matiyak kung si Jayme at si Bikoy ay iisa.
Samantala, sinabi naman ng NBI na hawak na nila ang computer at cellphone ni Jayme at kasalukuyang isinasailalim sa cyber forensic examinination para makuha ang detalye sa ilang mga personalidad na posibleng kasangkot niya sa kanyang ginawang pag-upload ng Bikoy video.
Bukod sa paglabag sa anti-cybercrime law ay posibleng maharap pa sa mas maraming kaso si Jayme lalo’t may menor-de-edad na isinangkot sa nasabing video.