CSC Commissioner Aileen Lizada nairita sa mga Chinese na sumingit sa pila sa NAIA

Inquirer file photo
Dismayado si Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada matapos personal na masaksihan ang pagsingit sa pila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng limang dayuhan.

Inilarawan ni Lizada ang limang dayuhan bilang “Chinese-looking” na aniya ay biglang sumingit at lumusot sa ilalim ng barrier sa NAIA Terminal 3 sa kabila ng mayroong mga Filipino na nakapila kasama na siya.

Kwento ni Lizada, nangyari ang insidente, Huwebes (May 2) ng umaga sa pre-departure area ng NAIA Terminal 3.

“Papasok po ako sa pre-departure na area, lahat po ng mga Pilipino ay properly pong naka-pila, pati po ako naka-pila po ako. Out of nowhere, four to five what appeared to be mga Chinese nationals, sumuong po sa ilalim no’ng parang barrier,” ayon kay Lizada sa audio message na ipinadala sa mga mamamahayag.

Nagtatawanan pa aniya ang mga dayuhan nang sila ay sumingit at nilampasan ang mga nakapila at dumeretso sa x-ray machines.

Ani Lizada hindi niya nakuhanan ng video o larawan ang insidente dahil nasa ang kaniyang cellphone ay nasa loob na ng hand-carry bag.

Gayunman, hiniling na ni Lizada kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang kopya ng closed circuit television (CCTV) camera sa lugar.

Read more...