Duterte, ipinagyabang pa sa Amnesty Int’l ang kaniyang mga pagpatay

 

Imbis na itanggi ang sinasabi ng Amnesty International (AI) na 700 na ang napatay ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ipinagmayabang pa ng alkalde na kulang pa ang bilang na ibinigay ng grupo.

Sa halip kasi na seryosohin, idinaan pa sa biro ni Duterte ang akusasyon ng AI sa kaniya at ang inilabas nitong paalala sa mga mamamayan tungkol sa paghalal sa alkalde bilang susunod na presidente ng bansa.

Ayon kay Duterte, 1,700 at hindi 700 ang tamang bilang ng extra-judicial killings na kaniyang pinasimunuan.

Matatandaang ikinaalarma ng AI ang mga umano’y plataporma ng alkalde tulad ng pagbabalik ng death penalty at lingguhang pagpatay sa mga nasa death row.

Ang Amnesty International ay isang nongovernment organization na naka-base sa London na nagsusulong ng human rights.

Ikinabahala nila ang labis na pagkagusto ng karamihan sa mga Pilipino na mahalal bilang presidente ang tulad ni Duterte na umaabuso at lumalabag sa mga karapatang pantao.

Pero para kay Duterte, hindi niya pinagsisisihan ang kaniyang mga pahayag tungkol sa pagpatay dahil aniya, wala namang mali doon at kung may mali man, iyon ay ang bilang ng AI.

Samantala, ipinagtanggol naman siya ng kaniyang ka-tandem na si Sen. Alan Peter Cayetano at sinabing kaayusan at hindi karahasan ang isinusulong ni Duterte.

Nakatuon umano ang alkalde sa pagprotekta sa buhay ng mga tao, kalayaan ng mga ito, respeto, hustisya at pagkakapantay-pantay.

Hinimok naman ni Sen. Sergio Osmeña III si Duterte na imbitahan ang Amnesty International para kumpirmahin kung totoo nga o hindi ang mga ibinabatong akusasyon na nagbunsod ng pagbibigay babala ng organisasyon sa mga botante.

Read more...