Sri Lanka pinangalanan na ang mga nasa likod ng Easter Sunday blasts
Pinangalanan na ng Sri Lanka araw ng Miyerkules ang siyam na suspek na nasa likod ng serye ng mga pag-atake sa Simbahan at hotels noong Easter Sunday, April 21 na ikinasawi ng 253 katao.
Kinumpirma ni Police spokesman Ruwan Gunasekera na dalawang magkapatid mula sa isang mayamang Colombo family ang nasa likod ng pagbomba sa dalawang luxury hotel.
Gumamit umano ang grupo ng Islamist ng tig-iisang bomba sa bawat lokasyon na kanilang inatake maliban sa Shangri-La hotel na nagkaroon ng dalawang pagsabog.
Ang nagbomba sa Shangri-La ay si Zahran Hashim, lider ng jihadist group na National Thowheeth Jama’ath.
Kasama ni Hashim ang kapwa Islamist na si Ilham Ahmed Mohameed Ibrahim.
Ang kapatid naman ni Ilham na si Inshaf Ahmed ang responsable sa pag-atake sa Cinnamon Grand hotel.
Ang Kingsbury hotel naman ay binomba ng lalaking nakilalang si Mohamed Azzam Mubarak Mohamed. Nasa kustodiya na ng pulisya ang kanyang asawa.
Ang St. Anthony’s Church naman ay binomba ng lokal na residenteng nakilalang si Ahmed Muaz at inaresto na ang kanyang kapatid.
Isang Mohamed Hasthun naman ang umatake sa St. Sebastian.
Ang Christian Zion church sa eastern district ng Batticaloa ay binomba ng lokal na residenteng si Mohamed Nasser Mohamed Asad.
Si Abdul Latheef na umano’y nakapag-aral sa Britain at Australia naman ang nasa likod ng pagsabog sa isang guest house malapit sa kapitolyo.
Matapos ang pagbomba sa mga hotel, si Fathima Ilham, asawa ng isa sa magkapatid na Ilham ay pinasabog ang kanyang sarili na ikinasawi rin ng kanyang dalawang anak at tatlong pulis sa isang bahay sa Colombo.
Sinabi ng pulisya na ang mga pagmamay-ari ng mga nasa likod ng pagpapasabog ay kukumpiskahin upang maiwasan ang terrorist financing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.