Pormal nang tinapos ng gobyerno ang lahat ng search, rescue and retrieval operations sa lahat ng naapektuhang lugar ng magnitude 6.1 na lindol noong nakaraang Linggo.
Sa pagbisita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Porac, Pampanga, inanunsyo ang pagtatapos ng lahat ng operasyon.
Isang seremonya ang idinaos malapit sa gumuhong Chuzon Supermarket kung saan ginawaran ni Lorenzana ng sertipiko ang 1,548 na sibilyan at police and military personnel na tumulong sa search and rescue operations.
Si Lorenzana ay ang chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanyang mensahe, pinuri ng kalihim ang kabayanihan at sakripisyo ng mga rescuers.
“I would like to commend you for your heroism and your sacrifices. Alam ko nagtagal kayo dito ng ilang araw, more than one week na walang tulog, day and night palagi kayong nandiyan para tumulong. Kasi after a couple of days after the collapse, meron pang nararamdaman silang buhay dahil sa kagustuhan nilang maka-save ng ibang tao,” ani Lorenzana.
Samantala, sa huling pagtaya ng NDRRMC, umabot sa 18 ang nasawi, 243 ang nasugatan at 3,632 pamilya ang naapektuhan ng lindol sa tatlong lalawigan ng Central Luzon.
Ang halaga naman ng pinsala ay tinatayang nasa P505 milyon.
Sa ngayon, sinabi ni Lorezana na patuloy pa rin ang isinasagawang assessment ng gobyerno kung magkano ang kakailanganin para sa rehabilitasyon ng mga nasira.
Umabot na anya sa P1.6 milyon ang halaga ng tulong na ibinigay ng gobyerno sa mga naapektuhang pamilya.