Pulis na umanoy nakapatay ng bata sa Caloocan, hindi sangkot sa shootout sa suspek
Walang ebidensya na magpapatunay sa pahayag ng pulis na nakipagbarilan ito sa isang suspek noong April 28 kung saan tinamaan ng ligaw na bala ang isang 6 anyos na lalaki.
Naniniwala si NCRPO chief Major General Guillermo Eleazar na walang naganap na shootout sa pagitan ng pulis at umanoy tinutugis nitong suspek batay sa nakalap na ebidensya.
Nahaharap sa kasong murder si Corporal Rocky delos Reyes kaugnay ng pagkasawi ng batang si Gian Habal.
Noong Linggo ay naglalaro sa labas ng kanilang bahay ang bata nang tamaan ito ng bala ng baril sa noo. Namatay ito sa ospital kalaunan.
Ayon kay Eleazar, kinumpirma ng mga testigo na walang shootout sa pagitan ng pulis at suspek.
“It was just an allegation that he was in a shootout with somebody. But the witnesses said there was no shootout,” ani Eleazar.
Tiniyak ng NCRPO chief na mapaparusahan si Delos Reyes at matatanggal ito sa PNP.
Sa kanyang pagsuko, sinabi ng pulis na inaaresto niya ang drug suspect na si Jovannie Mosquito pero nanlaban ito kaya nagkaroon ng shootout at tinamaan ang bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.